
Para sayo na una kong minahal.
Bakit nga ba ikaw ang naipili kong isulat para sa aking proyekto?
Simulan natin sa unang araw ng Marso, taong 2015. Sa ilalim ng mga bituing maningning, tila ba mas napansin ko ang kislap ng iyong mga mata. Nabihag mo ako mula sa malayo, na hindi ko inakala na tatagal ng 1095 araw.
Huli mo ako noon sa maraming paraan. Bukod sa nakakatunaw mong pagtingin, ang kabaitan mo sa lahat, maging saakin, duon mo ako nakuha! Mapapa- “Sana mapansin mo ako, kahit di maging tayo, basta huwag kang lalayo.” ka na lang. Na sana balang araw mapansin mo ako, o kung sinuswerte, maging kaibigan mo.
Pero hindi nga ata ako pinaboran ng tadhana. Oo andyan ka at nandito ako, pero ang layo ng ating mga mundo. Mas napalapit pa nga ako sa ilan mong kaibigan! Pero hindi kayang kwestyunin ang saya ko sa loob ng tatlong taong iyon. Kahit nasa malayo, matanaw ka lang at makita kang nakangiti, sulit na.
Hindi ka naman mahirap hanapin. Marami mang sulok sa ating paaralan pero sa isang lugar lagi tayo pinagtatagpo, sa lugar kung san mo din nakuha ang puso ko, sa entablado. Ngunit magkalayo pa rin nga pala ang ating mga mundo. Dahil nagtatanghal ka, at manonood ako. Di rin naman nagdamot ang mundo, may mga “moment” rin naman tayo. Yung ilang mga larawan, dalawang liham, at maraming pagkakataong nagtagpo ang ating mga mata, ite-treasure ko ang lahat ng iyon.
Ikaw ang personal na pangyayaring aking pinili. Pero maharil ito na ang huling pagkakataong ika’y aking ibabahagi.
Ngunit para sagutin ang una kong tanong, bakit nga ikaw ang napili kong isulat sa aking proyekto? Gusto ko sanang kunin ang pagkakataong ito. May mga ilang bagay sana akong gustong sabihin.
Maraming Salamat.
Maraming salamat sa lahat ng pagkakataong binigay mo para ako’y sumaya. Marahil mga simpleng bagay lamang ang mga iyon para sayo, ngunit malaking bagay saakin. Lumaki ako sa mundong puno ng pagtanggi o rejections. Pero pinaramdam mo sakin na worth it kang mahalin, at sulit kahit simula palang alam kong irereject mo na ako.
Sana mahalin ka nya tulad ng pagmamahal ko sa iyo noon.
Sana hindi ka niya saktan. Ito ay bahagi ng napakaraming “sana” ng buhay ko. Kasi alam kong hindi ka karapat-dapat saktan, at mas lalong hindi ka kaiwan-iwan. Sana mahalin ka nya kung paano kita kamahal. Ang pagkakaiba nga lang, maibabalik mo sa kanya ang kaya niyang ibigay, na ang kasiyahan nya’y kasiyahan mo rin.
Sana lagi kang masaya.
Oo, ang hirap mong kalimutan. Pero matagal na kitang pinakawalan. Ganun nga siguro ang pag ibig. Hindi naman sya tungkol sa kaya mong ibigay na materyal na bagay, kundi sa sakripisyo na kaya mong gawin. Sa pagpapalaya na maging kalungkutan ko man noon, ay iyong magiging kasiyahan. Nawa’y hindi mo ipagdamot sa mundo ang iyong talento at mga ngiti. I’ll still be proud of your successes. Ipagdarasal ko din ang iyong tagumpay.
Maraming salamat sa masasayang alaala. Sana mahalin ka nya tulad ng pagmamahal ko sayo noon, kasi minahal na rin nya ako higit pa sa akala ko’y dulo na. Huli, sana lagi kang maging masaya, kasi masaya na ako sa iba.
Paalam.